I don't understand. Why?
Bakit mas madaling magsulat o lumikha ng isang katha kapag ang isang tao o yung mismong lumilikha ay nalulumbay o may pinagdadaanan? Dahil ba mas madaling iligay sa isang lalagyan ang mga salitang makakapag-uri sa ating nararamdaman? O dahil wala tayong mapagsabihan o makausap kaya mas pinipili nating kausapin ang pluma at papel o ang computer natin?
Noong mga nakaraang araw, taon na marahil ang nakalipas. Akala ko kasabay na ring lumipas ang paghanga ko sa isang taong nakilala ko noon. Akala ko wala na. Pero bakit ganun? Bakit mistulang kumakatok na naman ito at sinasabing pakinggan mo ang pagkabog nito.
Sa bawat pagkakataon na nabibigyan ako ng panahon o oras na makasama, makausap siya, panibagong aral ang aking nalalaman. Para bang sa mga oras na lumilipas ay mas nakikilala ko siya. Sa bawat oras na nalalagas, parang mas nakikita ko kung sino siya...ang tunay niyang kulay. Mas nakikita ko ang katauhang nagkukubli sa maskara ng tuwa at kalakasan. Hindi ko sinasabing mahina siya--sa totoo lang, isa siya sa mga matatag na tao na nakilala ko-- ngunit ramdam ko ang lungkot na pinanghahawakan niya..ang lungkot na parang hindi niya mabitawan dahil siguro matatakot siya. Parang ako, may mga bagay na natatakot akong bitawan--mga bagay na sanhi ng lungkot at saya rin kung minsan. Mga bagay na kung bibitawan ko ay di ko alam kung masisiyahan ako o mas lalong malulungkot o manghihinayang. Pero, kung ano pa man iyong "bagay" na iyon, alam kong may dahilan kung bakit nangyayari ang mga iyon. May halaga rin iyon na nagtatago sa mukha ng kalungkutan. Darating din ang araw na mauunawan ito.
Ayaw ko sanang kilalanin ang nararamdamang ito dahil ayaw kung gumuho ang kung anong meron kami ngayon. Hindi ko kayang makita na masira ang pagkakaibigan namin dahil sa "kung-ano-mang-bagay-na-ito-na-di-ko-mawari-kung-ano". Masaya ako na makitang masaya siya. at higit sa lahat, masaya ako na nakilala ko siya. Lubos ang pagpapasalamat ko sa Diyos dahil bigyan niya ako ng pagkakataon na makilala ang napakabuting taong ito.
Bakit kaya siya dumating sa buhay ko? Bakit ko siya nakilala?
HIndi ko rin alam ang sagot. Marahil para maging kaibigan niya..Para alagaan siya. ipadama na may kwenta siya. Naniniwala akong hindi naman tayo matutong magmahal kung hindi tayo una at patuloy na minamahal ng Lumikha sa atin. Sa tingin ko, yun naman ang gusto ng lahat. maging ako, ay iyon din ang aking hinihiling.
Sa huli, naniniwala ako sa kasabihang "God has always the best plan for us." may dahilan ang mga bagay bagay..kailangan lang natin makita at maintindihan ang mga ito. At higit sa lahat, ang maniwala at magtiwala sa Diyos na lumikha sa atin. Ika nga, hintay hintay din pag may time, may oras na sa mga bagay bagay. Sa ngayon, aral muna ang aatupagin ko, kailangan ko pang makapagtapos--makapagtapos na isang Tomasinong Iskolar at may karangalan.
Oh Lord, let Your will be done.
hmm, lumalalim na ang gabi. At dapat nagpapahinga na ako. Salamat sa oras na ginugol niyo para basahin ito. :) Nawa'y hindi ko nasayang ang oras na iyon. Sa muli, kaibigan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento